Nagpahayag ng pagdududa ang isa sa mga abogadong nagsulong ng kanselasyon ng certificate of candidacy (CoC) ni Senador Grace Poe sa pagkapangulo kung nais ba talaga ng senadora na maging isang Pilipino.

Ito ang pambungad na argumentong inilahad ni Atty. Estrella Elamparo sa kanyang isinumiteng komento sa Korte Suprema kaugnay ng petisyon ni Poe laban sa desisyon ng Comelec en banc na nagkakansela sa kanyang CoC.

Ayon kay Elamparo, ilang eksperto ang nagsabi na si Poe ay isang Pilipino sa bisa ng pinaikling porma ng naturalization.

Pero ang problema, kahit aniya ang pagiging “naturalized” Filipino ay tinatanggihan pa ni Poe sa kabila ng pag-alma nito laban sa tinatawag na statelessness.

National

5.0-magnitude na lindol, yumanig sa Eastern Samar

Kaugnay nito, hiniling ni Elamparo na ibasura ng Korte Suprema ang petisyon ni Poe at bawiin ang inisyu nitong temporary restraining order (TRO) laban sa pagpapatupad ng desisyon ng Comelec en banc.

Iginiit ni Elamparo na wala namang naging grave abuse of discretion ang Comelec nang magdesisyon ito na nakagawa ng material misrepresentation si Poe nang ideklara nitong siya ay natural-born citizen at mahigit 10 taon nang naninirahan sa Pilipinas pagsapit ng eleksiyon sa Mayo 9.

Giit ni Elamparo, sapat na ang 2012 CoC ni Poe para patunayan na kapos ito sa 10-year residency requirement ng mga nais tumakbo sa pagkapangulo. (Beth Camia)