25_KIYOMI from mb.com.ph copy

Tuluyang nagdesisyon ang Philippine Judo Federation (PJF) na isabak na rin ang Fil-Japanese judoka na si Kiyomi Watanabe sa dalawang matinding torneo ngayong taon sa pagtatangka nitong magkuwalipika sa nalalapit na 2016 Rio de Janeiro Olympics sa Brazil.

Dulot ito ng magandang ipinakita ni Watanabe, na dalawang beses naging gold medalist sa Southeast Asian Games pati na sa 2014 Asian Youth, sa kanyang mga sinalihang torneo sa nakalipas na taon.

“The judo association decided to enter Watanabe in two Olympic-qualifying tournaments in her bid to qualify for the Olympics,” sabi ni Romeo Magat, na namumuno sa Cluster B na binuo ng Philippine Olympic Committee at Philippine Sports Commission Task Force para sa mga nagnanais mag-qualify sa Rio Olympics.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ang 19-anyos na si Watanabe ay nakatakdang sumagupa sa Grand Slam Paris sa Pebrero sa Paris, France at sa Asian Seniors Championships sa Abril sa Uzbekistan upang subukang makakuha ng Olympic ranking points.

Iniulat ni PJF president Dave Carter na patuloy ang pagsasanay at paghahanda ni Watanabe.

“Maganda ang mga resulta ng tournament na sinasalihan ni Kiyome (Watanabe) kaya nagdesisyon sila na isabak na rin sa qualifying para sa Rio,” sabi ni Magat .

Base sa patakaran, ang isang judoka ay maaaring makakuha ng spot sa Rio Games base sa kanyang magiging puwesto matapos sumali sa lahat ng mga itinakdang torneo sa IJF World Ranking hanggang Mayo 2016.

Tanging ang Top 14 lamang sa kada dibisyon na lalaki at babae ang direktang magkukuwalipika. Gayunman, ang mga nagnanais na makasali ay maaaring lumahok sa Continental Qualification. (ANGIE OREDO)