Sinabi ni Pangulong Benigno Aquino III noong Biyernes na hindi maaaring balewalain ng China ang desisyon ng Arbitral Tribunal sa oras na mailabas na ang desisyon sa kasong inihain ng Pilipinas sa territorial dispute sa West Philippine Sea.
“Pwede ba i-ignore ‘yung sa arbitration? Tandaan mo lahat ng bansang may inaangkin dito sa tubig na ito e, parating sinasabi ‘we want to adhere to international law and this is in conformity with international law’,” sabi ni PNoy.
“So kapag naglabas ‘yung Tribunal ng dinesignate (designate) mo, ‘nung international law na siyang duminig, paano nila i-ignore, lalo na dahil, ‘di ba, susi rin sa paglaki nila ‘yung tuloy na komersiyo sa buong mundo,” ani PNoy.
Sinabi ng Pangulo na hindi lamang economic activity ang susi sa pagsulong ng isang bansa kundi kasama na ang good will, pinaalalahanan ang China na magpakita ng kabutihan.
“So umaasa tayo na pragmatic ‘yung ating mga kapatid na Tsino, makikita ‘yung ikabubuti kapag mas maliwanag na entitlements at obligations sa lahat at kumilos,” aniya.
Samantala, sinabi ni PNoy na ang mga elemento ng Code of Conduct sa pagitan ng China at ASEAN ay babalangkasin sa susunod na buwan.
“So umabante na tayo mula noong 2002,” aniya.
Binabalak din ng Pilipinas na maghain ng diplomatic protest kasunod ng mga test flight na isinagawa ng China sa Fiery Cross Reef sa Spratlys. (Madel Sabater - Namit)