SINASABING masasalamin sa mga tradisyon at kaugalian ang kultura ng mga mamamayan sa isang bayan, lungsod at lalawigan. Halimbawa nito ay ang pagpapahalaga at parangal na iniuukol sa kanilang patron saint na ipinagdiriwang ang masaya, makulay at makahulugang kapistahan. Ang mga mamamayan ay nag-uukol ng kanilang panahon, gumagastos ng malaking halaga para sa paghahanda at pagbibigay-buhay sa mga tradisyon.

Nagsasagawa ng prusisyon na ang imahen ng kanilang patron ay lulan sa isang karwahe o amdas na punung-puno ng palamuti. Sa prusisyon, dagsa at siksikan ang mga deboto. Sa pag-usad ng prusisyon na parang dagat ang kalsada dahil sa dami ng tao, hindi maiwasan na may himatayin, at nasusugatan. At ang malungkot, dahil sa matinding siksikan, ay may namamatay.

Sa pananaw ng iba nating kababayan, ang pagpaparangal na ito sa patron saint ay fanaticism o bulag na pagsunod sa nagisnan at namanang tradisyon. Ngunit sa mga deboto at may panata sa patron saint, ang pagbibigay-buhay sa tradisyon ay isang paraan ng paggalang sa banal na kinakatawan ng imahen.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ngayong ika-9 ng Enero, isang natatangi at mahalagang araw ito sa mga taga-Quiapo, Maynila dahil ipinagdiriwang ang kapistahan ng Nuestro Señor Jesus Nazareno na mas tinatawag na Black Nazarene dahil sa maitim nitong kulay. Ang life-size na imahen ng Black Nazarene ay nagpapakita ng maitim na Kristo na may pasang krus. Ang imahen ay iniukit ng isang karpinterong Aztec. Binili ito ng isang pari sa Mexico noong 1606.

Dinala ang imahen mula sa Mexico ng mga prayleng Agustino-Rekoleto sakay ng isang barko. Sa paglalakbay, nagkaroon ng sunog sa barko at nasunog ang imahen. Sa kabila nito, napagkasunduan na panatilihin ang nasabing imahen hanggang sa makilala ito sa tawag na Black Nazarene o Itim na Nazareno. At mula noon, maraming naiulat na milagro ang Black Nazarene sa mga namanata at nakahawak sa imahen. Ang imahen ng Black Nazarene ay inilagak noong 1787 sa parokya ni San Juan Bautista sa Quiapo, Maynila. Ang simbahang ito ay itinayo noong 1586 ng mga paring Pransiskano.

Bagamat si San Juan Bautista ang patron ng Maynila, ang kapistahan ng Black Nazarene, ay makulay at masayang ipinagdiriwang ng mga debotong taga-Maynila at iba pang deboto mula sa Rizal, Hilagang Luzon, Bicol, Bisaya at iba pa. Katulad ng dati, bago ang pagdiriwang, naging bahagi ang 9 na araw na nobena-misa sa simbahan ng Quiapo na nagsisimula tuwing Enero 1 hanggang Enero 8. Inawit sa nobena ang awit na “Padre Jesus Nazareno” na isinulat ng National Artist na si Maestro Lucio D. San Pedro. (CLEMEN BAUTISTA)