MARAMING petsa na mahalaga sa Maynila ang may natatanging pagdiriwang. Nariyan ang Hunyo 24, na gumugunita sa proklamasyon ni Miguel Lopez de Legaspi sa Maynila bilang isang lungsod at kabisera ng mga Isla ng Pilipinas.
Nariyan din ang Disyembre 30, nang barilin si Jose Rizal sa Bagumbayan noong 1896. Ngunit may isang partikular na petsa na nakapagpapabago sa malaking bahagi ng siyudad sa pagdagsa ng mga deboto ng Poong Nazareno sa Quiapo tuwing Enero 9 para sa prusisyon na tumatagal ng 14 hanggang 20 oras.
Ngayong Enero 9, 2016, muling masasaksihan ng Maynila ang taunang okasyong ito na literal na nagsasara sa malaking bahagi ng lungsod dahil daan-daang deboto ng Poong Nazareno mula sa maraming bayan at siyudad—milyun-milyon ang inaasahan ng mga opisyal ng simbahan—ang nagtitipun-tipon sa ruta ng prusisyon mula sa Luneta hanggang sa Quiapo.
Isinasadula ng prusisyon, na tinatawag na Traslacion, ang paglilipat sa imahen noong 1787 mula sa orihinal nitong lokasyon sa Recollects’ Church of St. Nicholas of Tolentino, na ngayon ay Luneta sa labas ng Intramuros, patungo sa kasalukuyan nitong kinalalagakan, ang Minor Basilica of Quiapo sa Plaza Miranda. Karamihan ay nakayapak at nakasuot ng kamisetang maroon gaya ng kulay ng kasuotan ng Poong Nazareno, pinaliligiran ng mga deboto ang imahen habang umuusad ang prusisyon sa ruta nito. Sinasabing ang 2012 Traslacion ang pinakamatagal sa kasaysayan, nang nagtapos ito sa Plaza Miranda ng 5:00 ng umaga kinabukasan, makalipas ang 22 oras na prusisyon.
Dumating ang Poong Nazareno sakay sa isang galleon mula sa Acapulco, Mexico, noong 1600s. Sa kulay nitong itim at nakahahabag na hitsura habang may pasan na krus, mistulang nakaka-relate ang mga karaniwang Pilipino sa anyo nito ng pagdurusa at paghihirap, kaya naman taun-taon silang nakikibahagi sa prusisyon, ang ilan ay naghahangad ng milagro sa kani-kanilang buhay, habang ang iba ay nagpapasalamat, at ang ilan ay tumutupad lamang sa panata.
Noong 2014, idineklara ni Mayor Joseph Estrada na holiday sa Maynila ang Enero 9 dahil imposible para sa alinmang tanggapan o eskuwelahan na magbukas sa araw na iyon. Naging mahalagang okasyon na rin para sa turismo ang prusisyon, dahil pambihira ang tanawin ng mistulang dagat ng mga deboto na sumusunod sa imahen, karamihan ay nagsisikap na mahaplos man lamang ito. Ngunit ang Traslacion ay isang relihiyosong pagdiriwang, pagpapakita ng pambihirang debosyon na hinahangaan ng marami.
Umaalis ang imahen ng Poong Nazareno sa simbahan ng Quiapo sa dalawang petsa taun-taon—tuwing Bagong Taon at Biyernes Santo—ngunit pinakadinadagsa ng mga deboto ang Traslacion tuwing Enero 9. Sa loob ng maraming oras ngayon, masusing susubaybayan ng mga opisyal ng lungsod, simbahan, at pang-seguridad ang prusisyon. Ngunit gaya sa nakalipas na mga taon, ang Kapistahan ng Poong Nazareno ay dapat na idaos ngayon nang may kakaunting aberya na inaasahan na sa malalaking pagtitipong gaya nito. Muli itong masasaksihan bilang isa sa pinakamahahalaga at pinakalumang relihiyosong pagdiriwang sa dakilang lungsod na ito ng Maynila.