CEBU CITY – Kinasuhan na ng kidnapping at illegal detention ang isang babaeng nagpanggap na nurse para tangayin ang isang bagong silang mula sa isang ospital sa Cebu.

Nagsampa na ng mga kaso ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-7 laban kay Melissa Londres, gayundin sa kinakasama nitong si Philip Winfred Almeria, sa Prosecutor’s Office.

Matatandaang nagpanggap si Londres, isang call center agent, na nurse at tinangay ang dalawang-araw na sanggol na lalaki mula sa Vicente Sotto Memorial Medical Center.

Iniuwi ni Londres ang sanggol sa bahay na nirerentahan nila ni Almeria.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Una nang iginiit ni Londres sa pulisya na sa kanya ang sanggol at nagsilang siya sa loob ng isang taxi.

Kalaunan, inamin niyang tinangay niya ang sanggol mula sa nabanggit na ospital dahil gusting-gusto niya na magkaanak.Nabatid na nakunan si Londres sa panganay sana nila ni Almeria.

Inaresto rin si Almeria dahil hindi nito agad na ini-report sa pulisya ang insidente.

Inabot pa ng tatlong araw bago nadakip si Londres—na nakuhanan ng CCTV camera habang nakasuot ng uniporme ng nurse at bitbit ang sanggol—batay sa mga impormasyong ibinigay ng kanyang mga kapitbahay sa pulisya.

Nailigtas ang sanggol at agad na naibalik sa mga magulang nito. (Mars W. Mosqueda, Jr.)