PUMANAW kahapon, Biyernes, Enero 8, 3:20 ng madaling araw sanhi ng cardiac arrest si German “Kuya Germs” Moreno, ang isa sa may pinakamakulay na success stories sa show business.
Enero rin noong nakaraang taon nang siya ay ma-stroke at isugod sa ospital. Sumailalim si Kuya Germs sa mahabang gamutan, naka-recover at bumalik sa trabaho sa radyo at sa Walang Tulugan TV show noong Hunyo.
Ito ang pahayag na inilabas ng kanyang pamangkin na si John Nite sa GMA News Online.
“He passed on in the company of his family and friends. He lived a full life, touched so many hearts through the years, and helped make dreams come true for most of the brightest stars in the Philippine entertainment industry.
“We are deeply saddened by his passing but we are comforted by the thought that his legacy will live on.”
Iniukol ni Kuya Germs ang mahigit limang dekada ng kanyang buhay sa entertainment industry. Noong 2013, nagkaroon ng malaking pagdiriwang ang kanyang 50th year sa industriya.
Si Kuya Germs, isinilang sa mag-asawang Pinay at Filipino-Spanish noong Oktubre 4 sa Sta. Cruz, Manila, ay nagsimula sa entertainment industry bilang janitor at telonero sa Clover Theater. Pero bago siya napadpad sa teatro ay nagtinda muna siya ng sigarilyo, mani, at bibingka at naging jeepney barker din.
Naging big break niya ang pagganap bilang Jesus Christ sa isang dula sa Grand Opera House. Simula noon ay dumaan siya sa napakaraming trabaho sa lokal na aliwan -- naging komedyante sa bodabil, naging aktor sa teatro at sa mga pelikula ng Sampaguita Pictures, naging sidekick ni Eddie Ilarde sa radio program na Ngayon Naman, naging pinch-hitter para kina Helen Vela, Bingo Lacson at Ben David, hanggang sa nagkaroon ng sariling timeslot, naging co-host ni Nora Aunor sa Superstar, hanggang sa naging star-builder at Master Showman sa pamamayagpag ng That’s Entertainment at GMA Supershow.
Hindi mabibilang ang mga baguhang artista na dumaan sa kanyang patnubay para sa pagkakataong sumikat, ilan lamang sa kanila sina Sheryl Cruz, Manilyn Reynes, Tina Paner (The Triplets), Billy Crawford, Lea Salonga, Gladys Reyes, Judy Ann Santos, Lotlot de Leon, Ramon Christopher, Donna Cruz, Isko Moreno, Jake Vargas, at napakaraming iba pa.
Simula 1996, ang FAMAS ay nagkaloob ng The German Moreno Youth Achievement Award. Si Kuya Germs ang naglunsad ng Pinoy version ng Hollywood’s Walk of Fame sa Eastwood City at sa GMA Network Center.
Si Kuya Germs ay isang mapagpakumbabang tao na hindi matatawaran ang naiambag sa Philippine entertainment industry.
As of press time, napaulat na balak ng pamilya ni Kuya Germs na iburol ang kanyang labi sa Mt. Carmel Church sa Quezon City. (DINDO M. BALARES)