Dahil sa inaasahang matinding traffic sa Pebrero bunsod ng konstruksiyon ng C-5 Link Expressway, nangangalap ngayon ang pamahalaang lungsod ng Parañaque ng karagdagang 100 traffic enforcer na magmamando ng trapiko sa mga pangunahing lansangan sa siyudad.

Ang mga bagong matatanggap ang magiging katuwang ng 80 traffic aide na kasalukuyang nagmamando sa mga kalsada, partikular sa binisinad na pagpapatayuan ng mga proyekto, kabilang na ang NAIA Elevated Expressway.

Sinabi ni City Administrator Fernando Sorianom na ang mga interesadong maging traffic enforcers ay kailangang may dalawang taon sa kolehiyo at may wastong pagsasanay sa traffic management.

Tiniyak din ni Soriano na ang mga suweldo at benepisyo ng dagdag na traffic enforcers ay saklaw ng 2016 city budget, sa ilalim ng personnel services, na inaprubahan ng konseho noong Nobyembre 2015.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Bilang paghahanda sa inaasahang mas matinding traffic, inatasan ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang Traffic Management Office ng lungsod na ipatupad ang pagbubukas ng “friendship route” sa mga pribadong subdibisyon bilang alternatibong ruta ng motorista.

Bubuksan ngayong Enero ang “friendship route” sa Doña Soledad Subdivision sa Barangay Don Bosco.

Sinimulan na rin ng City Engineering Office ang pansamantalang pagtatanggal sa mga sagabal sa kalsada, pagtapal sa mga baku-bakong daan, paglalagay ng markings at signage sa mga tinukoy na bahagi, at pagsasaayos sa mga pangunahing lansangan.

Nanawagan si Olivarez sa kontratista ng C-5 Link Expressway na magpakalat ng tauhan sa project site upang tulungan ang mga traffic enforcer sa pagpapatupad ng “No U-turn” and “No Left/Right” turn traffic sign. (Bella Gamotea)