NGAYONG Enero 9 ay special holiday sa Pangasinan upang ipagdiwang ang ika-71 anibersaryo ng pagdaong ng Allied Forces sa Lingayen Gulf, sa pangunguna ni General Douglas MacArthur ng United States Pacific Command, noong Enero 9, 1945.

Ipinagdiriwang din ng lalawigan ang Veteran’s Day, alinsunod sa Resolution 331-2007, upang bigyang-pugay ang kabayanihan ng mga Pilipinong beterano ng digmaan na nakipaglaban kasama ang mga puwersang Amerikano at bilang pagtatanggol sa kalayaan at soberanya ng bansa.

Ipagdiriwang ang dalawang pangunahing okasyon sa Veterans Memorial Park sa likod ng kapitolyo ng probinsiya sa Lingayen, na rito magtitipun-tipon ang mga pambansa at lokal na opisyal, ang diplomatic corps, ang akademya, ang pribadong sektor at ang sektor ng negosyo, para sa tradisyunal na misa ng pasasalamat at pag-aalay ng bulaklak.

Pinararangalan ang mga beterano ng digmaan at pinagkakalooban sila ng Medallion of Valor.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang memorial park ay pinasinayaan noong Enero 9, 1995, kasabay ng ika-50 anibersaryo ng Lingayen Gulf landing.

Makikita rito ng publiko ang isang lumang tangke na ginamit noon pang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, eroplano, mga bala, at mga larawan. Isang monumento ni MacArthur, na naglakbay patungong Pangasinan noong Hulyo 6, 1961, ang pinasinayaan noong Enero 23, 1984.

Para sa ika-71 anibersaryo, magkakaroon ng parada, cultural show, medical mission, libreng pagsusuri sa mata, at pamamahagi ng libreng antipara bilang pasasalamat sa mga beteranong nabubuhay pa at sa kanilang mga pamilya para sa kanilang mga sakripisyo at sa naiambag sa kasaysayan ng lalawigan.

Ayon sa kasaysayan, dumaong sa Lingayen Gulf ang 14th Army ng Japan, na pinamunuan ni General Masaharu Homma, noong Disyembre 22, 1941, tinalo ang pinagsanib na puwersa ng mga Pilipino at Amerikano at kinubkob ang Lingayen Gulf.

Nagtungo sa Bataan si MacArthur at ang kanyang tropa.

Sa loob ng mahigit tatlong taon, ang look at ang paligid nito ay kinubkob ng mga Hapon. Noong Enero 9, 1945, matapos ang matinding paglalaban sa karagatan at sa himpapawid, dumaong ang magkakaalyadong puwersa, kabilang ang mga Pilipinong sundalo, sa baybayin ng look. Ang 68,000 bumubuo sa sandatahan ay nadagdagan ng 200,000 sa mga sumunod na araw.

Naging malaking tulong sa operasyon ang presensiya ng mga grupong gerilya sa Pangasinan at sa mga kalapit na lalawigan na nanakot sa mga kalaban, hinadlangan ang mga aktibidad ng militar, at nagbahagi ng mahahalagang impormasyon sa puwersang Amerikano. Natalo ang mga sundalong Hapon; at opisyal na pinagmulan ng maraming supply ng sandatahang Pilipino at Amerikano ang Lingayen Gulf. Mula sa look, nagtungo sa katimugan ang magkakaalyadong puwersa at magiting na nakipaglaban para palayain ang lungsod ng Maynila.