Ibinasura ng Sandiganbayan First Division ang graft case na inihain laban kay dating Finance Deputy Administrator Uldarico Andutan, Jr. kaugnay ng P5.3-bilyon tax credit scam dahil sa matagal na pagkakaantala ng nasabing kaso sa korte.
Sa anim na pahinang resolusyon na isinulat ni Associate Justice Rafael Lagos, kinatigan ng anti-graft court ang mosyon ni Andutan na ibasura ang kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act na inihain laban sa kanya.
Ipinawalang-bisa na rin ng tribunal ang hold departure order na inilabas laban kay Andutan at ipinababalik na rin ang cash bond na inilagak niya sa korte.
Iginiit ni Andutan sa kanyang mosyon na nilabag ng korte ang kanyang constitutional right sa due process at mabilis na pagresolba sa kaso matapos siyang kasuhan ng graft at estafa noong Pebrero 24, 2009, bagamat lumantad ang mga complainant sa Ombudsman noon pang Enero 30, 2004.
“We held that there is no question that the resolution of the preliminary investigation resulting in the filing of this case had indeed been delayed,” saad sa resolusyon ng First Division.
“From the filing of the last pleading during the preliminary investigation until the approval of the Acting Ombudsman, the period of three years and seven months went by before a finding if probable cause was attained,” ayon sa tribunal.
Hindi rin nakapaghayag ng sapat na dahilan ang Ombudsman hinggil sa matagal na pagkakaantala sa kaso, ayon pa sa First Division. (Jeffrey Damicog)