Sakaling mahalal sa puwesto, nakatitiyak ang isang retiradong arsobispo ng Simbahang Katoliko na sa pondo ng bayan babawiin ng mga kandidato ang bilyon-pisong ginagastos ng mga ito ngayon sa political ads, bago pa man sumapit ang opisyal na panahon ng pangangampanya.
Ito ang reaksiyon ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz sa lumabas na ulat ng Nielsen Philippines na mula Enero 1 hanggang Nobyembre 30, 2015, ay umabot na sa P1.6 bilyon ang ginastos ng apat sa mga presidential candidate para sa kanilang political ads.
Ayon kay Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), kahit pa sinasabi ng mga kandidato na hindi pa sila nangangampanya ay tiyak aniyang kampanya na ang layunin ng mga political ad ng mga ito sa mga radyo, telebisyon at peryodiko.
Tiyak naman aniyang ang malaking salaping ginamit ng mga ito sa mga naturang anunsiyo ay babawiin sa mamamayan, at posibleng higit o mas malaki pa ang kuhanin mula sa pondo ng taumbayan kapag nahalal na sila sa puwesto.
“Kahit na sinasabi nilang hindi pa kampanya, kampanya na ‘yan, kahit hindi pa campaign period. ‘Yang paggastos na ‘yan, ibig sabihin niyan ang kahuli–hulihan ay babawiin sa mamamayan. At baka makuha pa ‘yan ng higit na higit sa kanilang ginastos, sa pamamagitan ng graft and corrupt practices kapag ang isang tao ay nahalal na,” sinabi ni Cruz sa panayam ng Radyo Veritas.
Sinabi pa ng arsobispo na tulad ng dati, nagkalat ang pera tuwing halalan sa bansa at nangingibabaw pa rin ang tinaguriang “3Gs” o goons, guns and gold.
Una nang inamin ng Commission on Elections (Comelec) na wala silang magagawa sa pre-election spending ng mga kandidato dahil hindi ito nasasakop ng Fair Elections Act at iginiit na ito ay isang moral na usapin.
(Mary Ann Santiago)