Ibinasura ng Sandiganbayan ang petisyon ni Senator Jinggoy Estrada na humihiling na makapagpiyansa siya kaugnay ng kinakaharap na plunder case sa umano’y pagkakasangkot nito sa pork barrel fund scam.
Idinahilan ng Fifth Division na matibay ang iniharap na ebidensiya ng prosecution panel na nagdidiin kay Estrada sa nasabing kaso.
Ayon sa isang resolusyon ng anti-graft court, nabigo ang senador na makapagprisinta ng sapat na dahilan para pansamantala itong palayain.
Kabilang sa pumirma sa resolusyon si Fifth Division Chairman Associate Justice Roland Jurado, kasama ang mga miyembro nito na sina Associate Justice Alexander Gesmundo at Ma. Theresa Dolores Gomez-Estoesta.
Matatandaang inihayag ng testigong si Ruby Tuason na aabot sa P19 milyon ang inihatid niyang kickback sa mambabatas mula kay Janet Lim-Napoles.
Maliban kina Estrada at Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr., na kapwa nakapiit sa PNP Custodial Center dahil sa naturang kaso, tanging ang kasamahan nilang akusado na si Senator Juan Ponce Enrile ang nakapagpiyansa sa kahalintulad na kaso. (Rommel P. Tabbad)