Aabot sa 80 katao ang isinugod sa first aid station ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos sumama ang pakiramdam habang nakasalang sa mahabang pila sa “Pahalik sa Poon” sa bisperas ng Pista ng Nazareno sa Quirino Grandstand, kahapon.

Ayon kay Jonah Butlig, medic sa first aid station, karamihan sa mga dinala sa kanila ay senior citizen.

“Marami pong mga nasa gulang na 50 pataas na dinadala rito. Karamihan po sa kanila ay nahihilo dahil sa init ng araw,” pahayag ni Butlig.

Dakong 11:00 ng umaga nang isakay sa wheel chair si Leticia Laxamana, 75, matapos makaramdam ng matinding pagkahilo dahil sa pagkakababad nang matagal sa matinding init ng araw habang nakapila sa ‘Pahalik.’

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Agad binigyan ng oxygen ng mga first aid staff si Laxamana, na mahigit 50 taon nang deboto ng Nazareno.

“Nang halikan ko ang Mahal na Poon ng Itim na Nazareno ay bigla akong nahilo. Ilang sandali pa, nanghina ako at nahirapang huminga,” kuwento ni Leticia na nakararanas din ng alta-presyon.

Napilitan ang mga organizer ng Pista ng Poong Nazareno na maagang simulan ang ‘pahalik’ sa imahe dahil sa dami ng pumila sa Quirino Grandstand.

Ganap na 6:00 ng gabi noong Huwebes nang buksan sa mga deboto ang pila para sa pahalik, gayung ang orihinal na schedule ng pagsisimula nito ay dakong 8:00 ng umaga pa ng Biyernes.

Kaagad namang dumagsa sa pila ang mga deboto na nais na makahalik sa imahe.

Sa ulat ng mga organizer ng pista, simula nang buksan ang pahalik hanggang 5:00 ng umaga kahapon ay umabot na sa 12,000 botante ang nakahalik sa Poong Nazareno.

Sa kabila naman ng tuluy-tuloy na usad ng pila sa pahalik ay patuloy pa rin sa paghaba ang pila ng mga deboto, na mula sa Quirino Grandstand ay umaabot na sa Roxas Boulevard. (JEL SANTOS at MARY ANN SANTIAGO)