Sampung nakakulong na overseas Filipino worker (OFW) sa Qatar ang pinagkalooban ng clemency ng Emir, Sheikh Tamim bin Hamad Al Thani, kaugnay sa pagdiriwang ng Qatar National Day tuwing ika-18 ng Disyembre.
Ito ang inanunsyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) noong Huwebes, Enero 7, batay sa isang ulat ng Philippine Embassy sa Doha.
Kabilang sa mga pinagkalooban ng clemency ang siyam na kalalakihan at isang babae, ayon sa DFA.
Karaniwang nagbibigay ng pardon ang Emir dalawang beses sa isang taon, ang isa ay tuwing Ramadan.
Sinabi ng DFA na pinoproseso na ng Embassy ang repatriation ng mga pinalayang Pinoy sa pakikipag-ugnayan sa Search and Follow-Up Department sa ilalim ng Ministry of Interior. (Roy Mabasa)