Ititigil muna ng Commission on Audit (CoA) ang isinasagawa nitong special audit investigation sa paggamit ng mga opisyal ng pamahalaan sa mga pondo ng bayan sa panahon ng halalan.

Ito ang inihayag ni CoA chairperson Michael Aguinaldo kasunod ng pagtatakda nila ng cut-off date sa paghahain ng audit investigation laban sa mga opisyal ng pamahalaan upang maiwasang magamit ito sa pulitika.

Ang nasabing cut-off date ay sa unang araw ng paghahain ng certificates of candidacy (CoC).

“We decided we will not accept or we will not proceed with special audits that are filed beginning that date forward, but we will accept them after the election is done,” pagdidiin ni Aguinaldo.

National

4.7-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Gayunman, nilinaw niya na itutuloy pa rin nila ang pagsasagawa nito laban sa mga opisyal na sinimulan nang isailalim sa audit investigation bago pa man ang paghaharap ng CoC.

“If it has started already before the first day of filing of certificate of candidacy, meaning there is an ongoing investigation, that will continue. Anything new will have to wait until after the election,” aniya.

Tiniyak ni Aguinaldo na ipagpapatuloy nila ang pagsasagawa ng panibagong special audit investigations pagkatapos ng eleksyon.

Idinagdag niya na ipagpapatuloy lamang nila ang imbestigasyon kapag mayroong humiling o nais na maipagpatuloy ito pagkatapos ng halalan upang hindi ito magkaroon ng “kulay-pulitika”. (Rommel P. Tabbad)