Dalawampu’t dalawang oras.
Ito ang pinakamatagal na prusisyon ng Poong Nazareno sa kasaysayan ng simbahan, na nangyari noong Enero 9, 2012 matapos bumigay ang andas ng carroza ng Mahal na Poon.
“Ang andas ay gawa sa bakal na mayroong solid na gomang gulong. Ang mga ito ay naililiko sa ano mang direksiyon kaya mahirap itong gumalaw nang paabante,” paliwanag ni Bro. Nick Salimbagat ng Parish Pastoral Council.
May kakayahang magkarga ng 30 katao ang carroza habang ipinuprusisyon ang imahen ng Nazareno.
“Bago ang lubid subalit ibababad din ito sa tubig upang lumambot bago ang prusisyon. At kung hindi ito gagawin, posibleng masaktan ang balikat ng mga hihila sa carroza,” ayon kay Salimbagat.
Sa kasagsagan ng prusisyon, sabay-sabay na hihilahin ng mga miyembro ng Hijos del Nazareno ang andas gamit ang 35-talampakang taling abaca habang idinedepensa ang Mahal na Poon mula sa mga panatiko na nais makalapit o mahawakan ang milagrosong imahen.
Taun-taon, tinitiyak ng mga opisyal ng Simbahan at lokal na pamahalaan na maganda ang kondisyon ng carroza dahil tiyak na tatangkain ng mga deboto na makaakyat sa imahen upang maipahid din ang kani-kanilang panyo o mahalikan ito.
Sa kabila ng matinding panganib, sinabi ni Ronnie de la Paz, miyembro ng Hijos del Nazareno, na sasabak pa rin siya sa prusisyon sa kabila na may namatay siyang kasamahan nitong nakaraang taon matapos maipit sa mga deboto.
Bukas, ilang mekaniko ang sasama sa prusisyon upang tiyakin na hindi magkakaaberya ang andas habang ito ay ibinibiyahe ng mga debotong nakapaa mula sa Quirino Grandstand patungong Simbahan ng Quiapo.
“Sigurado namang aalagaan ako ng Mahal na Poong Nazareno,” ani de la Paz. (RAYMUND ANTONIO)