Pumalag ang Malacañang sa paninisi ni Vice President Jejomar Binay sa administrasyon sa pagbitay sa overseas Filipino worker (OFW) na si Joselito Zapanta sa Saudi Arabia.
Magugunitang sinabi ni Binay na nagsumite siya ng proposal sa tanggapan ni Pangulong Aquino para sa “blood money” na ibabayad kapalit ng buhay ni Zapanta pero hindi raw inaksiyunan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na kung may nailigtas na buhay ay inaangkin ni Binay ang credit, pero kapag nabigo ay nanlalaglag naman ito para makaiwas.
Ayon kay Lacierda, hindi rin malinaw ang polisiya sa blood money, dahil walang standard na halaga para sa mga OFW na nahahatulan sa ibang bansa.
Ginawa naman daw lahat ng gobyerno ang kinakailangang intervention pero sadyang mataas ang halagang hinihingi ng Sudanese family ng napatay ni Zapanta. (Beth Camia)