NANG magtatapos na ang taong 2015, hindi mismong araw ng Bagong Taon, ay napakaraming magandang balita, may nakalulungkot din at hindi kapani-paniwala. Pero dahil katatapos pa lamang ng taong 2015 at kapapasok pa lamang ng 2016, wala tayong magagawa kundi libangin na lamang ang ating sarili mula sa malulungkot na pangyayari at palusot ng ating gobyerno sa kanilang mga kapalpakan.

Unahin natin ang nakalulungkot.

Magtatapos ang taon nang pugutan ang Pinoy na si Joselito Zapanta sa Saudi Arabia dahil hindi naibigay ang blood money na hinihingi ng mga kaanak upang siya ay mailigtas sa parusa.

Ang resulta: Pugot-ulo!

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Bakit ba tila lagi na lamang tayong ginagawang “Kakaning-itik” ng mga taga-ibang bansa? Sa Saudi Arabia, hindi lamang si Zapanta ang una nilang binitay. Sa China ay marami na rin tayong mga kababayang binitay dahil sa iba’t ibang krimen na kinasangkutan partikular na ang pagpapasok ng DROGA. At ayon kay Senatorial Candidate Susan Ople, sa kasalukuyan ay nasa mahigit 90 Pinoy pa ang nakahanay para bitayin sa iba’t ibang bansa. Nakalulungkot!

Sa ating bansa, sangkatutak na mga dayuhan ang nahuhuli at napapatunayang nagkasala. Mga Chinese, Taiwanese o iba pang lahi na hindi lamang bulto ng droga ang dala kundi sila mismo ang may-ari ng PAGAWAAN ng DROGA. Pero may “pinitik” man lamang ba tayo sa ilong? Nahuli ngayon, pinakawalan din kinabukasan.

Iyan marahil ang dahilan kung bakit ang mga “demonyo” sa ibang bansa ay dito “namumugad” sapagkat TANGA na nga ang ating mga batas ay HUDAS pa ang mga nagpapatupad.

Ang kailangan sa bansang ito ay magkaroon na rin ng parusang BITAY, at kapag nahatulan ng BITAY ay bitayin agad!

Ang nakalilibang na balita naman.

Ang pangako ni Pangulong Aquino na pasasagasa sila ni Sec. Abaya sa TREN kapag hindi natapos noong nagdaang taon ang MRT na patungong Cavite ay hindi nangyari.

Hindi natapos ang proyekto at wala ring nagpasagasa sa TREN. Ang katwiran ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma: JOKE LANG!

Pero ang nasabing JOKE ay hindi nakakatawa kung hindi nakakaasar! (ROD SALANDANAN)