“NAUNANG humingi ng tulong sa amin ang Senate Electoral Tribunal (SET),” wika ni Solicitor General (Solgen) Hilby, “kaya ito ang kakatawanin namin.” Kaugnay ito sa pagiging abogado niya sa SET sa disqualification case na inihain ni Rizalito David laban kay Sen. Grace Poe. Bakit nga ba hindi mauuna ang SET, eh dito unang isinampa ang disqualification case laban sa senadora sa kanyang pagiging senador?

Ang iba pang disqualification case kasi laban sa kanya ay sa Comelec na inihain dahil kaugnay ang mga ito sa kanyang pagiging kandidato sa panguluhan. Dahil nauna nga ang nasa SET, nauna itong nadesisyunan.

Nasa patakaran na katawanin ng Solgen ang SET dahil ipinatayo ni Pangulong Marcos ang kanilang opisina bilang abogado ng gobyerno. Sa lahat ng mga kaso, pabor man o hindi, sa gobyerno, departamento at ahensiya, ang kanilang abogado ay ang Solgen. Dahil pumasok na nga itong abogado ng SET sa Korte Suprema, hindi na ito maaaring tumayo bilang abogado ng Comelec kahit ito ay departamento ng gobyerno dahil ipinagtatanggol nito ang naging desisyon ng SET na kumatig kay Poe. Sumangayon ang SET sa kanya sa botong 5-4 na natural born citizen si Poe at sapat ang pamimirmihan niya sa bansa nang kumandidato siya sa pagka-senador.

Samantala, natalo si Poe sa dalawang disqualification case na isinampa laban sa kanya sa Comelec. Sa unang kaso, bukod sa dini-disqualify ng Comelec si Poe sa kanyang kandidatura sa panguluhan, pinakakansela pa ang kanyang certificate of candidacy (CoC) dahil nagsinungaling daw siya nang isulat niya dito na natural born citizen siya at mahigit na sampung taon na siyang nanirahan sa bansa gayung hindi naman totoo ang mga ito. Sa ikalawang kaso, dinisqualify naman siya ng Comelec dahil hindi siya natural born citizen at kulang sa sampung taon ang pagkaka-residente niya sa bansa. Inapela ng senadora ang dalawang kaso sa Korte Suprema hindi lamang laban sa mga nagsampa ng mga ito kundi laban din sa Comelec. Hindi na pwedeng maging abogado ng Comelec ang Solgen dahil ang desisyon ng SET na una niyang hinarapan sa Korte ay salungat sa mga naging desisyon ng Comelec.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Nagpulong en banc ang mga commissiomer ng Comelec upang piliin kung sino sa kanila ang kakatawan sa kanilang departamento dahil natanggap nga nila ang liham ng Solgen na pinakukuha ito ng sariling abogado. Kahit sino sa mga commissioner ang haharap, maliban lang sa pumanig kay Poe, kaya nitong panindigan ang ginawa nitong desisyon. Bukod dito, isa sa mga nagsampa ng disqualification case laban kay Poe ay si Dean Valdez ng University of the East. Hindi matatawaran ang kakayahan nito na ipagtanggol ang kanyang reklamo. (RIC VALMONTE)