Ang beer na may kefir, isang fermented milk drink na maihahalintulad sa yogurt, ay tila hindi magandang pakinggan.
Ngunit may health benefits ang pag-inom nito, ayon sa isang pag-aaral na isinagawa sa mga daga.
Bukod diyan, napag-alaman ng mga researcher sa Brazil na ang “kefir beer” ay nakapagbabawas ng paghihilab ng tiyan at ulcer.
Bagamat tila kakaiba ang konsepto tungkol sa epekto ng pag-inom ng kefir beer, masyado pang maaga kung ang health benefits nito ay uubra sa tao, dahil ang pag-aaral ay isinagawa pa lamang sa mga daga, ayon kay Dr. Arun Swaminath, director ng inflammatory bowel disease program sa Lenox Hill Hospital sa New York City, na hindi kabilang sa pagbuo ng nasabing pag-aaral. “It is a very preliminary study,” sabi ni Swaminath sa Live Science.
Upang makagawa ng kefir beer, nagdagdag ang mga researcher ng kefir grains — white o yellowish gelatinous clumps na binubuo ng bacteria at yeast — sa isang barley malt. Para ito ay matapatan, nag-brew pa sila ng isang regular na beer, na sa halip na gumamit ng kefir grains ay nagdagdag sila ng yeast upang labanan ang malt.
Nalaman nila na ang kefir, kefir beer at regular beer ay nakakapagbawas ng paghilab ng tiyan. Gayunman, nang ikumpara ng mga researcher ang epekto ng dalawang beer, nalaman nila na ang kefir beer ay nakakapagpababa ng paghilab ng halos 48%, samantalang ang regular beer naman ay 28%. (LiveScience.com)