Naniniwala si former two-division world champion Gerry Peñalosa na hindi magtatapos ang boxing career ni Manny Pacquiao ngayong Abril.

Ayon kay Peñalosa, malaki ang posibilidad na ituloy pa ni Pacquiao ang kanyang boxing career, manalo o matalo man sa kaniyang darating na laban.

Sasagupain ni Pacquiao si American Timothy Bradley para sa WBO world welterweight crown sa isang 12-round bout ngayong April 9 sa MGM Grand Garden sa Las Vegas, Nevada.

Matapos ang opisyal na anunsiyo ng laban ay agad na idineklara ng 37-anyos na si Pacquiao na ang pagsagupa niya kay Bradley ang magsisilbing farewell fight at tututok na lamang sa pagiging isang pulitiko.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Mahirap sa isang boxer ang magretire lalo na kung mahal mo yung sport. Pero paniwala ko after ng Bradley at lumabas yung (Floyd) Mayweather, magkaroon ng rematch yan,” ani Peñalosa.

Mayo ng nakaraang taon sa Las Vegas nang magsagupa sina Pacquiao at Mayweather na nagtapos sa 12-round decision pabor sa undefeated American champion na ngayon ay retirado na rin.

Samantala sa kabila ng kaniyang paniwala na magpapatuloy pa sa boxing si Pacquiao, umaasa naman si Peñalosa na dapat nang isampay ng Filipino icon ang kanyang gloves.

“Mayaman na siya, nakuha niya ang world record, dapat magretiro na din. Hindi naman dahil hindi na siya magaling. Wala na talagang dapat patunayan si Manny as a boxer,” dagdag ni Peñalosa.

Dagdag ni Peñalosa, mas makabubuti kay Pacquiao na ibuhos ang atensyon sa pulitika kung saan tumitimbang ang boxing superstar sa 7th at 8th places ng iba’t-ibang surveys para sa senatorial race.

Si Pacquiao, kasalukuyang congressman ng Sarangani, ang isa sa pambato ng opposition coalition UNA sa darating na May 2016 elections. (Dennis Principe)