DAVAO CITY — Nanawagan ang isang mataas na opisyal ng militar sa Mindanao sa mga kandidato sa halalan sa Mayo na huwag pumayag sa permit-to-campaign (PTC) na ipinatutupad ng New People’s Army (NPA).

Sinabi ni 10th Infantry (Agila) Division commander Major General Rafael Valencia sa mga mamamahayag sa regular AFP-PNP press conference sa Ritz Hotel noong Miyerkules na ang pagbabayad ng PTC ay katumbas ng pagtulong sa pondo ng humihinang puwersa ng NPA upang makabalik sa labanan at muling maghasik ng takot sa mga komunidad.

Pinakamalala rito, aniya, ang mga pondo na maiipon ng NPA mula sa mga ibinayad sa PTC ay magbibigay sa kilusan ng kapangyarihan na palakasin ang kanilang mga armas para pumatay ng mga sundalo.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“Sa pagbabayad ng PTC tinutulungan nating mapalakas ang humihinang puwersa ng NPA. Tinutulungan din natin sila para patayin ang ating mga sundalo,” diin ni Valencia.

Kamakailan ay kinondena ng Armed Force of the Philippines (AFP), partikular na ang Eastern Mindanao Command (EastMinCom), ang pangongolekta ng NPA ng PTC sa lugar, na katumbas ng pangingikil.

Ang extortion activities ng NPA na ipinapataw din sa mga negosyante ay nagdulot ng tinatayang P246 milyong pinsala sa mga negosyo sa silangang Mindanao noong 2015, iniulat ng EastMinCom.

Sinabi ni Valencia na ang mga PTC ay ipinatutupad ng mga rebelde sa kanilang mga kalaban bilang revolutionary tax.

“Ito ay revolutionary tax na ipinatutupad nila sa kanilang kaaway na uri. They also consider the candidates and politicians as their enemies,” paliwanag niya.

Sa parehong press conference, sinabi ni Commission on Election (Comelec) Davao region deputy director Atty. Marlon Casquejo na ang pagbabayad ng PTC ay maaaring maging batayan para sa disqualification ng mga kandidato, dahil maituturing itong isang election offense. (ALEXANDER D. LOPEZ)