Hiniling ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Land Transportation Office (LTO) na kanselahin ang driver’s license ni Roger Catipay, ang taxi driver na nag-viral sa social media ang video ng pagmumura, pagbabanta at pananakit sa babaeng pasahero nito kamakailan.

Ayon kay LTFRB Chairman Winston Ginez, posibleng makansela ang lisensiya ni Catipay kapag napatunayang lumabag ito sa mga alituntunin ng gobyerno.

Iba-blacklist din ng LTFRB si Catipay sa database ng mga awtorisadong drayber upang hindi na ito makapagmaneho.

Sinabi ng LTFRB na sapat na ang 45 segundong footage bilang ebidensiya sa reklamo ng babaeng pasahero laban kay Catipay.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Naging kontrobersyal ang usapin makaraang i-post ng pasahero sa social media ang video ng pagmumura at pagbabanta sa kanya ni Catipay matapos hindi magkaintindihan ang dalawa sa pasahe ng una.

Paliwanag ng pasahero, sumakay siya sa taxi ni Catipay, kasama ang isang kaibigan, sa taxi bay ng SM North EDSA at nagpapahatid sila sa Mandaluyong City, malapit sa central office ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Pagdating sa lugar, iniabot ng pasahero ang P200 kay Catipay upang bayaran ang P150 na pasaheng pumatak sa metro ng taxi pero sa halip na ibigay ang sukli ay pinagmumura pa ng driver ang babae at sinuntok pa ito.

Nitong Miyerkules, nagtungo sa LTFRB office sa Quezon City si Catipay, kasama ang operator ng taxi na si Ariel Gamboa upang harapin ang pasahero.

Nauna nang inihayag ni Catipay na tatanggapin niya kung magdedesisyon ang LTFRB na suspendihin ang kanyang lisensiya dahil sa insidente. (ROMMEL TABBAD)