Bagamat ipinag-utos na ng Sandiganbayan Second Division na kumpiskahin ang mga asset ni dating Chief Justice Renato Corona at maybahay nitong si Cristina na nagkakahalaga ng P130 milyon, wala pa ring nahahanap na malaking bank account ang sheriff na pag-aari nito.

Sa ikatlong ulat na kanyang isinumite sa korte kamakalawa, sinabi ni Second Division Sheriff Alexander Valencia na naglabas na ng garnishment o attachment sa bank account ni Corona sa sangay ng LandBank sa Taft Avenue, Manila.

Subalit, ayon kay Valencia, naglalaman lamang ito ng P2,158.94.

Naberipika rin ng Sheriff kay Batangas City Assessor Guadalupe Tumambing na walang lupain na pag-aari ni Cristina Corona sa lalawigan na dapat patawan ng buwis.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Gayunman, hiniling ni Valencia sa korte na panatiliin sa kanya ang Writ of Preliminary Attachment na nag-uutos na kumpiskahin ang mga asset ni Corona.

Inilabas ng graft court ang writ noong Mayo 5, 2014 matapos maghain ang Office of the Ombudsman ng forfeiture case laban sa mag-asawang Corona dahil sa ilegal na pagbili ng mga ari-arian sa ilalim ng Republic Act 1379.

Sa ngayon, natukoy lamang ng korte ang joint bank account ng mga Corona sa BDO na naglalaman ng P615.06; isa pang LandBank account sa ilalim ng pangalan ni Corona na naglalaman ng P2,155.67; BPI account na mayroong P1,056.27; at PNB account ni Cristina na mayroong P6,524.71. (Jeffrey G. Damicog)