Arestado ang isang kasambahay matapos niya umanong tangayin ang P160,000 cash ng kanyang amo nang magbakasyon ito sa Quezon City, kamakalawa.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Rosita Versoza, 32, ng Riverside Kaingin I, Barangay Pansol, Quezon City.

Nagtatrabaho si Versoza bilang kasambahay ni Mercedes Genito, 66, at pamilya nito na nakatira sa Plaza Street, Barangay Pansol, ayon sa pulisya.

Humingi ng tulong si Genito sa mga opisyal ng barangay matapos madiskubre sa bag ni Versoza ang P11,000 cash na umano’y bahagi ng nawawalang P160,000 ng una.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Lumitaw din sa imbestigasyon ng pulisya na hiniling ni Versoza na makapag-day off ng dalawang araw at pinayagan naman siya ni Genito.

Nang umalis na sa bahay si Versoza, nadiskubre ni Genito na nawawala na sa drawer ang kanyang cash na nagkakahalaga ng P162,000.

Sa kanyang pagbalik sa bahay ni Genito nitong Miyerkules, agad na dinala ng biktima si Versoza sa barangay hall, at doon ay inutusan ang suspek na ipakita ang lahat ng laman ng kanyang bag.

Dito na nadiskubre ang P11,000 na pinaniniwalaang bahagi ng nawawalang pera ni Genito.

Ayon pa sa pulisya, hindi na narekober ang P151,000 ni Genito. (Vanne Elaine P. Terrazola)