Hinikayat ni Nationalist People’s Coalition (NPC) Congressman Win Gatchalian ang Philippine National Police (PNP) na mahigpit na ipatupad ang batas laban sa ilegal na paputok, lalo na ang mga nasa likod ng paggawa sa mga ito.
“The PNP and other law enforcement agencies should strictly enforce the existing laws against illegal firecrackers since enforcement is what is lacking. And this is the reason why manufacturers of illegal firecrackers continue to ply their trade during the holiday season,” pahayag ni Gatchalian.
Isinusulong ni Gatchalian, na kandidato sa pagkasenador, ang pagpapatupad ng mas mabigat na parusa sa mga paputok na higit sa itinatakda ng batas.
Iginiit din ni Gatchalian na walang silbi ang pagpapatupad ng panukalang “total firecrackers ban” kung hindi maipatutupad ng PNP at ng iba pang ahensiya ng gobyerno ang Republic Act No. 7183 o ang batas na kumokontrol sa industriya ng paputok.
Sa ilalim ng RA 7183, ang lahat ng paputok na mahigit sa 0.2 grams ang explosive content ay ikokonsiderang ilegal at hindi dapat ibenta sa merkado.
Kabilang dito ang Piccolo, Pop Pop, Goodbye Philippines, Yolanda, Goodbye Napoles, Giant Kwitis at Watusi dahil naglalaman din ang mga ito ng nakalalasong kemikal.
Kabilang naman sa mga lehitimong paputok ang Baby Rocket, Bawang, El Diablo, Judas Belt, Paper Caps, Pulling of Strings, Sky Rocket, Small Trianggulo, at iba pa.
Ibinunyag din ni Gatchalian na nakapanayam pa ng mga television reporter ang manufacturer ng ilegal na paputok sa Bocaue, Bulacan, na nagpapatunay na malayang nakapagbebenta ang mga ito ng mga ipinagbabawal na produkto.
Base sa 2014 report ng PNP, aabot lamang sa 68 ang bilang ng mga lehitimong firecracker manufacturer, 285 dealer, at 2,551 retailer na binigyan ng lisensiya ng Firearms and Explosives Office na nakabase sa Camp Crame, Quezon City.