MAGTATAPOS na ang Christmas recess ng Korte Suprema sa Linggo, Enero 10. Kinabukasan, Lunes, magdaraos na ng sesyon ang iba’t ibang dibisyon nito. At sa Martes, Enero 12, magpupulong ito en banc para sa dalawang kasong kinasasangkutan ni Sen. Grace Poe.
Ang isa ay ang tungkol sa desisyon ng Senate Electoral Tribunal (SET) na nagdeklara kay Senator Poe na kuwalipikado upang kumandidatong senador noong 2010 bilang isang natural-born citizen ng Pilipinas. Ang desisyon ng SET ay iniapela sa Korte Suprema ng nagpetisyong si Rizalito David, na humiling sa korte na baligtarin ang pasya nito.
Ang isa pang kaso ay ang desisyon ng Commision on Elections (Comelec) na nagdiskuwalipika kay Senator Poe sa pagkandidato sa pagkapresidente sa 2016 dahil hindi isang natural-born citizen ang senadora at hindi rin nakatupad sa sampung taong residency requirement. Ang desisyon ng Comelec ay iniapela rin ni Senator Poe.
Makaraang idulog sa Korte Suprema ang dalawang kaso, hiniling ng kampo ni Senator Poe na mag-inhibit sa pagtalakay ng kataas-taasang korte ang tatlong mahistrado sa SET na bumoto laban sa kanyang kandidatura sa pagkasenador noong 2010. Sumang-ayon naman ang tatlong mahistrado—sina Antonio T. Carpio, Teresita J. Leonardo de Castro, at Arturo D. Brion—na hindi sila makasama sa pagtalakay sa kaso ng SET tungkol sa eligibility ni Poe para maging senador. Ngunit ibang usapin ang kaso ng Comelec—sa elibility ni Poe bilang pangulo. Hindi sangkot ang tatlong mahistrado sa desisyon ng Comelec.
Sa unang en banc meeting ng Korte Suprema sa Enero 12, posibleng madesisyunan na ang usaping ito tungkol sa tatlong mahistrado. Pagkatapos, tatalakayin na ng korte ang mga aktuwal na kaso. Tutukuyin ng kaso sa SET kung mananatiling senador si Poe. Tutukuyin naman ng kaso ng Comelec kung maaari siyang kumandidato sa pagkapangulo.
Tiyak nang tututukan ng publiko ang mga kasong ito dahil nangunguna si Senator Poe sa mga presidential opinion surveys, kasama si Vice President Jejomar Binay. Sa mga oral argument sa Enero 19, didinggin naman ng Korte Suprema ang magkataliwas na panig sa usaping legal na may mga implikasyong pulitikal.
Inaasahang ang mga kaso ni Poe—gayundin ang mga posibleng kaso na kinasasangkutan ng isa pang kandidato sa pagkapangulo na si Rodrigo Duterte—ay pagpapasyahan nang may konsiderasyon at hanggang maaari ay sa pinakamabilis na paraan. Ang pambansang kampanya ay magsisimula sa Pebrero 9, at sa panahong ito ay wala na dapat usaping legal na kinahaharap ang limang kandidato sa pagkapresidente.