Tatlong tricycle driver, na suma-sideline bilang holdaper, ang nadakip ng awtoridad makaraang mabangga nila ang motorsiklo ng isang pulis-Maynila habang tumatakas mula sa security guard na humahabol sa kanila matapos nilang mambiktima sa Sampaloc, Maynila kahapon ng madaling araw.

Naghihimas na ngayon ng rehas na bakal sa Manila Police District (MPD)-Station 4 sina Raymundo Pusong, 28; Mark Anthony Arnaldo, 23; at Jeffrey Lim, 27, pawang tricycle driver at residente ng 1302 Torres Bugallon St., sa Tondo, Manila.

Sa ulat ni Station Commander Supt. Mannan Muarip, pasado 12:00 ng umaga nang masakote ang mga suspek sa Lacson Avenue.

Nauna rito, hinoldap umano ng mga suspek, na armado ng balisong, ang mga biktima na naglalakad sa Laong-laan Street, saka mabilis na tumakas tangay ang nakulimbat na cell phone.

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

Nasaksihan naman ng security guard na si Michael Dequina, ng Forbes Dormitory, ang pangyayari kaya hinabol niya ang mga holdaper ngunit nakasakay agad ang mga ito sa nakaparada nilang tricycle.

Minalas naman na sa pagmamadaling makatakas ay mabangga ng mga suspek ang kasabayang motorsiklo, na minamaneho ni PO1 Kenneth Campos, na noon ay nakasibilyan habang tinatahak ang Lacson Avenue.

Dahil dito, sinita at inaresto ni Campos ang mga suspek, sa tulong ni Dequina at saka inilipat sa kustodiya ng pulisya. (Mary Ann Santiago)