Mistulang naka-jackpot ang pakiramdam ng koponang Mindanao Aguilas matapos makuha sa nakaraang draft ang Filipino-American guard na si Michael Williams bilang 6th overall pick sa kanilang unang pagsali sa PBA D League.

Katunayan, ikinagulat ng Aguilas kung bakit inabutan pa nila ang 24-anyos na si Williams na kasalukuyang naglalaro para sa Sioux Falls Skyforce sa NBA D-League kung saan ito nagtala ng average na 4.7- puntos at 2.3 assist sa 15 minuto ng aksiyon bilang reserve guard para sa Miami Heat-affiliate squad.

Sa kanyang pag-eensayo kasama ng Aguilas ay kinakitaan ang 6’2” guard na nakapaglaro din sa Cal-State Fullerton at San Francisco noong nasa kolehiyo ng kakayahang umiskor.

Hindi na nakapagtataka dahil sa kanyang nag-iisang taon ng paglalaro para sa Fullerton ay nakapagtala ito ng average na 17.3- puntos, 4 rebound at 2 assist.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Lubhang humanga ang Aguilas’ part-owner na si Rolando Navarro kay Williams na naging dahilan upang masabi nitong si Williams ang “future of Philippine basketball” at ‘the better version of Ray Parks.”

“We’re really blessed na napunta niya sa amin. We weren’t expecting him to fall to sixth,” ayon pa kay Navarro.

“We saw him play in the States. He played for Team Pacquiao a few times and talagang nakita namin siya maglaro, he is the future of Philippine basketball,” dagdag pa nito.

Ayon pa kay Navarro, kasalukuyang pinuproseso na nila ang pagsasaayos ng mga papel na kinakailangan ni Williams upang makapaglaro na ito sa D-League sa darating na Pebrero.

Dalawang laro ng Aguilas ang mami-miss ni Williams bago matapos lahat ng kinakailangan niyang mga papeles at bago tuluyang mahusgahan kung may karapatan siya sa bansag na ibinigay ng kanilang team owner. (Christian Jacinto)