Sa pagtatapos ng kasalukuyang buwan ng 2016, magsisimula na ang pinakahihintay na UAAP Season 78 Volleyball tournament.
Nakatakdang magkaharap sa opening day ang De La Salle University at ang Far Eastern University para sa tampok na laro ng inihandang double header matapos ang pambungad na laban sa pagitan ng Adasmon Univeristy at ng University of the East sa Enero 30.
Kinabukasan pa sasalang ang 3-peat seeking Ateneo de Manila na pangungunahan ng reigning back-to-back MVP at Darling of the Crowd na si Alyssa Valdez kung saan makakaharap nito ang koponan ng kanilang dating coach na si Roger Gorayeb na National University.
Mauuna rito, magtatapat naman sa first match sa Enero 31 ang Univeristy of Santo Tomas at ang event host University of the Philippines.
Inaasahang bago matapos ang susunod na linggo ay maglalabas na ng anunsiyo ang pamunuan ng UAAP kung saan magaganap ang opening ng volleyball tournament.
Kasalukuyan pang naghahanap ng mainam na venue ang UAAP para sa kanilang volleyball opening dahil kapwa may mga events na nakatakdang ganapin sa mga naunang pinagpiliang venues na Araneta Coliseum at MOA Arena sa Enero 30.
Sa men’s division, uumpisahan naman ng defending champion Ateneo Blue Eagles ang kanilang title-retention bid kontra University of Santo Tomas sa opening day sa Enero 30 sa ikalawang laro ganap na 10:00 ng umaga.
Magtutuos sa pambungad na laro ang Far Eastern Univeristy Tamaraws at UP Fighting Maroons ganap na 8:00 ng umaga.
Para naman sa ikalawang araw, sasalang ang La Salle kontra UE sa unang laro kasunod ang salpukan ng dating kampeong National Univeristy at Adamson.
Ang pinakahihintay na rematch ng nakaraang taon ay magaganap sa huling araw ng first round, Pebrero 28 gaya ng inaantabayan ding tapatan ng Ateneo Lady Eagles at De La Salle Lady Spikers sa kababaihan.