HINDI lamang ang mga bukirin at mismong mga magsasaka ang ginigiyagis ng matinding epekto ng El Niño kundi maging ang Social Security System (SSS) pensioners, public school teachers at retirees ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP). Subalit naiibang tagtuyot ang naranasan ng mga naturang lingkod-bayan:
ang mistulang pagkakait ng administrasyon sa mga biyayang dapat nilang tanggapin.
Ang P2,000 dagdag sa pensiyon ng mga miyembro ng SSS, halimbawa, ay pinatatawing-tawing pa sa tanggapan ni Presidente Aquino. Lagda na lamang ng Pangulo ang kailangan upang isabatas ang pagkakaloob ng kakarampot na halaga na lubhang kailangan ng SSS pensioners para sa kanilang mga gamot at iba pang pangangailangan. Makatao ba ang pagkakait ng gayong biyaya para sa mga lingkod ng bayan na minsan din namang naging bahagi ng mabuting pamamahala?
Lalo na ngayon na ang karamihan sa kanila ay nasa dapit-hapon na ng kanilang buhay?
Maging ang mga guro sa pampublikong paaralan ay tinamaan din ng tagtuyot dahil sa sinasabing pagkabigo ng administrasyon na maibigay ang kanilang year-end bonus sa nakalipas na dekada. Tahasang ipinahayag ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) na noong Disyembre 2004 nang huli silang nakatanggap ng insentibo. Naganap ito umano noong panahon ni Presidente Gloria Macapagal Arroyo.
Totoo na sila ay kabilang sa mga dinagdagan ng sahod sa ilalim ng Salary Standardization Law (SSL) na naghihintay pa rin ng lagda ng Presidente. Ang dagdag na P528 sa kanilang buwanang suweldo ay matatanggap nila sa susunod pang taon.
Kung hindi magkakaroon ng positibong resulta ang pagsisikap ng ilang senador at kongresista, maging ang mga retiradong sundalo at pulis ay tatamaan din ng tagtuyot. Sa ilalim ng SSL, nais ng ilang mambabatas na sila ay pagkalooban din ng dagdag na benepisyo sa kanilang monthly pension. Ngunit malabo pa ito.
Ang dagdag na biyaya na kanilang hinihintay, kabilang na ang mga pensiyonado, ay katas ng buwis na ibinayad nila.
Marapat lamang na ito ay ibalik sa kanila nang walang kaakibat na alinlangan. (CELO LAGMAY)