Aminado si Gilas Pilipinas head coach Tab Baldwin na halos wala silang napala sa anim na sessions ng training pool noong isang taon.
Ayon kay Baldwin, hindi nakatulong sa kanilang sitwasyon ang hindi pagsipot ng ilang sa mga 17 players na pinayagan ng PBA na sumalang sa Monday-only practice sessions na nagsimula noong November 9.
Ngunit iginiit ni Baldwin na kaniyang naiintindihan ang sitwasyon ng mga players na kinakailangang maglaro at mag-ensayo sa kani-kanilang koponan sa ongoing PBA Philippine Cup.
“In order to build a basketball team you really need to own their minds and their bodies and we don’t neither right now and rightfully so,” ani Baldwin “these players are in the playoffs and are concerned about their team’s situation. I’m also concerned about their health.”
Dahil dito ay napilitan si Baldwin na kunin ang serbisyo ng ilan sa mga collegiate players katulad nina Kiefer Ravena ng Ateneo at Kevin Ferrer ng UST upang sumalang sa ensayo.
Tiniyak naman ni Baldwin na kaniyang pagtutuunan ng pansin ang mga future practice sessions at gagawin ang sapat na adjustment upang hindi masayang ang panahon ng mga players na dadalo sa mga susunod na ensayo sa Meralco Gym.
“My thinking going forward is we’ve got to try and make sure that we’re taking some steps forward irrespective of how small they might be we just can’t afford to go backwards,” ani Baldwin.
Naghahanda ang Gilas Pilipinas para sa huling Olympic qualifier na gaganapin sa buwan ng Hulyo. (DENNIS PRINCIPE)