MARAMING nagtataka nang bumalik sa paninigarilyo si Boy Commute. Halos ilang taon na rin niyang itinigil ang naturang bisyo, gumanda ang pangangatawan at mas magana kung kumain.

Subalit balik-yosi na naman siya.

Ang dahilan, aniya, ay mas mabilis siyang makakuha ng barya na kanyang ibinabayad sa pasahe sa jeep. Sa ganitong paraan, hindi na siya makikiusap sa mga tindera ng sari-sari store upang magpapalit ng barya, lalo na ‘yung tig-25 o 50 sentimos.

Madalas masira ang umaga ni Boy Commute tuwing nakatatapat siya ng kapalmuks na driver na wala nang panukli, barumbado pa kung makipag-usap.

DepEd, isinusulong ang kahalagahan ng rights-based education

“Boss, may sukli pa po ako,” karaniwang sinasabi ng pasahero.

Ang sagot ng driver: “Mayroon ka bang 50 sentimos d’yan?”

Kapag sinabi ng pasahero na “wala,” tititigan pa siya ng driver para hindi na humirit.

Sa pasaheng P7.50 sa mga unang kilometro ng biyahe, karaniwang natutuloy sa sagutan ng pasahero at driver kapag walang maisukli ang huli.

Nangyayari ito tuwing pababa na ang pasahero sa kanyang destinasyon.

Habang pumupuwesto na sa estribo ng jeep, wala pa ring kibo ang kapalmuks na driver.

Mayroon ding pagkakataon na kapag makulit ang pasahero, pipihit ang driver mula sa kanyang kinauupuan at iaabot ang P8.

“Sa iba na lang kayo sumakay!” aroganteng bitaw ng driver.

Kanino bang responsibilidad ang pagsusukli? ‘Di ba sa jeepney driver?

Subalit para hindi na lang mag-init ang ulo, gumagawa na rin ng paraan ang mga pasahero upang makakuha ng eksaktong P7.50 na pasahe.

Andyan ang pagbili ng tingi na sigarilyo, tagay muna ng taho sa umaga, o bumili ng takeout na kakanin para may manguya sa opisina na pampalamig din ng ulo.

Sa mga modernong transportasyon, tulad ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT), ang kawalan ng barya ay hindi problema ng pasahero ngunit ng mga nagmamandong teller.

Kapag hindi eksakto ang pasahe, dun ang bagsak mo sa regular lane, na madalas na mahaba ang pila. Subalit bihira ang mga itong mawalan ng panukli, kahit sa mga unang biyahe sa umaga.

Hindi ko maintindihan kung bakit nauubusan ng panukli ang ilang pasaway na jeepney driver.

Hindi kaya natalo siya sa cara y cruz o tumaya kaya sa jueteng?

Tanong ni Boy Commute: Para saan pa ang kahoy na kahon sa harapan ng driver na lalagyan ng ibinayad ng mga pasahero, na bitbit pa rin niya tuwing iniiwan ang jeep upang kumain o magpahinga? (ARIS R. ILAGAN)