Hiniling ng Commission on Elections (Comelec) sa Korte Suprema na agahan ang pagdaraos ng oral argument sa kaso ng kanselasyon ng Certificate of Candidacy (CoC) ng presidential aspirant na si Senator Grace Poe.
Sa isang press briefing, sinabi ni Comelec Chairman Andres Bautista na naghain sila ng very urgent motion sa Korte Suprema at hiniling na sa halip na Enero 19 ay gawing Enero 14 ang pagdaraos ng oral argument.
Ipinaliwanag ni Bautista na mas mainam para sa lahat ng partido kung mas maaga maisasagawa ang oral argument.
Nais rin naman, aniya, nilang makapaglabas kaagad ng desisyon sa isyu ang mataas na hukuman bago ang final editing ng official ballots na gagamitin sa 2016 polls upang hindi rin makompromiso o malagay sa alanganin ang pag-iimprenta sa mga ito.
Target ng Comelec na masimulan ang pag-iimprenta ng mga balota sa ikatlo o ikaapat na linggo ng buwang ito.
Matatandaang una nang kinansela ng Comelec en banc ang CoC ni Poe dahil sa isyu ng citizenship at residency.
Iniapela naman ni Poe ang kaso sa Korte Suprema. (Mary Ann Santiago)