Wala nang ipamamahagi na adult diaper sa mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magmamando ng trapik sa Traslacion ng Itim na Nazareno sa Maynila sa Sabado.

Ito ay sa kabila ng kakulangan ng mga gagamiting portalets para sa okasyon.

“Hindi na kami gagamit ng diaper,” sinabi ni MMDA Chairman Emerson Carlos.

Aniya, naubos na ang mga diaper na ginamit ng mga traffic constable na idineploy sa Traslacion noong 2015.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Wala na kaming supply,” dagdag ng MMDA chief.

Aabot sa 1,680 MMDA traffic enforcer ang ipakakalat sa Maynila upang magsilbing traffic at rescue personnel na tutulong sa mga deboto sakaling magkaroon ng emergency sa mahabang prusisyon.

Nitong nakaraang taon, namahagi ng mga diaper ang pamunuan ng MMDA sa kanilang mga tauhan upang hindi na nila iwan ang kanilang puwesto sa oras ng kanilang trabaho.

Subalit umani ito ng pagbatikos mula sa iba’t ibang sektor dahil ang pagsusuot umano ng adult diaper ay hindi kumportable para sa mga MMDA traffic enforcer, lalo na kung hindi pa ito nasusubukan.

Karaniwang problema ang kakulangan ng portalet sa daraanan ng imahen ng Itim na Nazareno dahil sa milyun-milyong dumadalo sa prusisyon na sinasabing milagroso. (Anna Liza Villas-Alavaren)