Patay ang isang 19-anyos na estudyante matapos mahulog mula sa rooftop ng isang 20-palapag na condominium sa Ermita, Manila noong Martes ng hapon.
Kinilala ng Manila Police District (MPD) ang biktima na si Kristina Marie Pagalilauan, 3rd year Mass Communication student.
Sa isang panayam ng TV5, sinabi ni MPD homicide division chief, P/Supt. Romel Anicete, na si Pagalilauan at ang kanyang mga kaibigan ay nagse-selfie nang mapasandal ang biktima sa pader na inilarawan ng pulisya na “very low and uneven”.
Tinitingnan ng isa niyang kaibigan ang kanilang mga nakuhang litrato nang mapansin na wala na si Pagalilauan.
Nakahawak pa si Pagalilauan sa window pavement bago tuluyang mahulog sa lupa, dahilan kaya tabingi ang isa nitong braso, ayon kay Anicete.
Nagsasagawa na ng karagdagang imbestigasyon ang pulisya.
Hindi pa naglalabas ng pahayag ang management ng nasabing condo kaugnay sa nangyari. (Tessa Distor)