Hiniling ng abogado ni Atty. Jessica Lucila “Gigi” Reyes, dating chief of staff at kapwa akusado ni Sen. Juan Ponce Enrile sa pork barrel scam case, sa Sandiganbayan Third Division na magdahan-dahan sa pagdinig sa kasong plunder na kanyang kinahaharap.
Sa mosyon na isinumite sa korte, sinabi ni Anacleto Diaz, abogado ni Reyes, na hangad ng kanilang kampo na magdaos ng pagdinig sa kaso ng isang araw kada linggo simula sa Enero 13.
Kabilang sa mga nililitis sa kaso ay ang tinaguriang “utak” ng pork barrel scam na si Janet Lim Napoles.
Matatandaan na si Enrile ay pansamantalang nakalaya sa piitan matapos payagan ng Korte Suprema na makapagpiyansa sa naturang kaso.
Sa kautusan na inilabas noong Nobyembre 6, 2015, itinakda ng Sandiganbayan Third Division ang petsa ng simula ng pagdinig sa kaso at ito ay isasagawa nang tatlong beses kada linggo.
“Handling cases for other clients who need equal attention and whose interests will be prejudiced should the undersigned counsel devote almost all of its time and effort in the trial of the case for the accused,” hirit ni Diaz sa Sandiganbayan.
“In order, therefore, that the undersigned counsel may fulfill its professional responsibilities to its other client and to the herein accused as well who all need timely, diligent and conscientious services, the undersigned counsel is constrained to implore that the trial of this case be set only once a week,” dagdag ni Diaz.
Bukod kay Diaz, dalawa pang abogado na kasama niyang humahawak sa plunder case nina Reyes ang nagbitiw na sa kaso dahil mahihirapan umano silang makaharap sa tatlong-araw kada linggo sa korte.
Upang mapunan ang defense team, kumuha si Diaz ng isa pang abogado at isang under bar associate na kakakuha lang ng bar examination noong Nobyembre. (Jeffrey Damicog)