DUMAGDAG sa maraming hindi pagkakasundo-sundo at kaguluhan sa mundo ngayon ang pagsiklab ng bagong gulo sa pagitan ng dalawang pangunahing sekta sa Islam—ang mga Sunni at Shiite. Binitay ng Sunni na Saudi Arabia ang prominenteng Shiite cleric na si Nimr l-Nimr nitong Sabado at sinalakay ng mga ralisyista mula sa Shiite na Iran ang Embahada ng Saudi sa Tehran kinabukasan, nagwasak ng mga muwebles, at sinilaban ang loob ng tanggapan.

Inihayag naman ni Iranian Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei na nahaharap ang Saudi Arabia sa “divine revenge” sa pagbitay sa Shiite cleric. Nakiisa sa kanya sa pagkondena sa pagbitay ang matataas na opisyal ng Iraq, Lebanon, at Syria.

Nitong Linggo, pinutol na ng Saudi Arabia ang ugnayan nito sa Iran at sinabi sa ambassador nito na lisanin ang bansa sa loob ng 48 oras. Ipinagtanggol ng mga pinuno ng Sunni sa United Arab Emirates at Bahrain ang Saudi Arabia, sinabing kailangang isagawa ang pagbitay upang masawata ang mga terorista.

Ang mga Sunni at Shiite ang dalawang pangunahing sekta ng Islam. Ang mga Sunni—na bumubuo sa mayorya ng mga Muslim sa mundo, nasa 85 hanggang 90 porsiyento—ay kinikilala bilang mas aprubado at tradisyunal na grupo. Ang Shiites ay binubuo naman ng pinakamahihirap na sektor ng lipunan at madalas na itinuturing ang sarili bilang biktima ng deskriminasyon. Sa kasalukuyan, ang mga Shiite ay ang mayorya sa Iran, Iraq, Bahrain, at Azerbaijan.

Hindi lamang ang mga pagkakaiba sa kanilang mga relihiyon ang dahilan ng hindi pagkakasundo ng Saudi Arabia at Iraq.

Magkasalungat din ang opinyon ng dalawang bansa sa digmaang sibil sa Syria, dahil kaalyado ng United States ang Saudi sa pagsuporta sa mga rebelde, habang nakasuporta naman ang Iran sa Russia para kay King Bashar Assad.

Maraming bagay na nagbubunsod ng kaguluhan sa Gitnang Silangan sa ngayon, kabilang na ang away sa negosyo sa pagitan ng iba’t ibang bansang may produktong langis sa rehiyon, ang pag-aagawan ng Saudi Arabia at Iran bilang pinakamakapangyarihan sa rehiyon, at ngayon ang nakaambang labanan ng mga Sunni at Shiite.

Nanawagan na ang United Nations, Amerika, at European Union sa mga pinuno ng Saudi Arabia at Iran na iwasan ang tensiyon. Idadagdag natin dito ang pangamba natin sa Pilipinas, partikular para sa maraming overseas Filipino worker sa Gitnang Silangan. Ang anumang kaguluhan sa bahaging ito ng mundo ay magkakaroon ng mga epekto sa buong daigdig at kabilang tayo sa mga umaasa na agad na mapapawi ang hindi pagkakasundong ito sa pagitan ng mga Sunni at Shiite.