Isang 26-anyos na babae na hinihinalang miyembro ng sindikato ng “baby snatching” ang naaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Region 7 makaraang tangayin ang isang sanggol na lalaki sa loob ng isang ospital sa Cebu matapos magpanggap na medical personnel, iniulat ng pulisya kahapon.

Nakapiit na sa tanggapan ni Supt. Marlon Tayaba, hepe ng CIDG-7, ang suspek na si Melissa Londres, 26 anyos.

Ayon sa pulisya, nahuli ang suspek sa bahay nito sa Sitio Fatima, Barangay Lahug sa Cebu City nitong Martes.

Sinabi ng pulisya na tinangay ni Londres ang sanggol sa loob ng Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC) makaraang magpanggap na nurse ng ospital.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nakilala ang suspek matapos makuhanan ng CCTV ng pagamutan na nakasuot ng uniporme ng nurse habang karga ang sanggol.

Ayon sa report, iginigiit ni Londres na anak niya ang sanggol, ngunit sinabi ng kanyang mga kapitbahay na hindi nila nakitang nagbuntis ang suspek.

Ngunit kahapon ng umaga, iniulat na inamin ni Londres na kinuha niya ang sanggol sa ospital sa matinding pagnanais na magkaanak at upang mapaligaya ang live-in partner niyang si Philip Winfred Almeria.

Sinabi ni Tayaba na posibleng may “lose baby syndrome” si Londres, dahil nalaglagan ito ng sanggol kamakailan at desperado nang magkaanak.

Kakasuhan ng CIDG-7 ng kidnapping si Londres. (FER TABOY at MARS MOSQUEDA, JR.)