Sinalungat ng Malacañang ang pagtaya ng American Chamber of Commerce (Amcham) na hindi na magandang manatili ang mamamayan sa Metro Manila kung hindi mareresoba ng gobyerno ang traffic congestion.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr. na may ginagawa na rito ang gobyerno at may mga hakbangin nang ipinatutupad upang tumugon sa pangangailangan ng mamamayan na naninirahan at naghahanapbuhay sa National Capital Region (NCR) at mga kalapit na lugar.
Ayon kay Coloma, inaprubahan na ng National Economic Development Authority (NEDA) Board noon pang Hunyo 2014 at ipinatutupad na ang mga basic principles ng Mega Manila Dream Plan o Roadmap for Transport Infrastructure Development for Metro Manila and Its Surrounding Areas para sa Calabarzon at Central Luzon.
Sinabing ito mismo ay rekomendasyon ng Japanese International Cooperation Agency (JICA) para maibsan ang trapiko at polusyon sa Metro Manila.
Kung hindi maaayos ng gobyerno ang problema sa trapiko sa Metro Manila, nagbabala ang JICA na aabot sa P6 bilyon kada araw ang ikalulugi sa kalakalan sa siyudad pagsapit ng 2030.
Lumitaw din sa pag-aaral ng JICA na posibleng umabot sa 7.4 milyon ang bilang ng pasahero kada araw sa Metro Manila pagsapit ng 2030.
Ito ay sa kabila ng inihayag ni Pangulong Aquino na posibleng makamit na ng Pilipinas ang First World Status sa naturang panahon. (Beth Camia)