Nakahanap ng kakampi si Sen. Grace Poe kaugnay ng kanyang citizenship at residency issue na kinukuwestiyon ng ilang grupo.

Ito ay ang Office of the Solicitor General, na nagsumite ng komento sa Korte Suprema kaugnay ng petisyon ni Rizalito David na kumukuwestiyon sa desisyon ng Senate Electoral Tribunal na nagsasabing natural born citizen si Poe.

Ang OSG ang kumakatawan sa SET na respondent sa kaso.

Sa 28-pahinang komento na pirmado ni Solicitor General Florin Hilbay, nanindigan ang Office of the Solicitor General na walang grave abuse of discretion sa panig ng SET.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Naniniwala ang gobyerno na ang mga foundling ay mamamayan ng Pilipinas sa ilalim ng 1935 Constitution, ang umiiral na Saligang Batas nang isilang si Poe noong 1968.

Bilang batayan, inilahad pa ng SET ang bahagi ng deliberasyon ng 1934 Constitutional Convention na nagpapahiwatig ng intensiyon na isama ang mga foundling, o mga bata na hindi matukoy ang mga magulang, sa mga dapat na awtomatikong makonsidera bilang mamamayan ng Pilipinas.

Sa nasabing deliberasyon, lumitaw na hindi na kailangan pang partikular na tukuyin sa Konstitusyon ang mga batang may “unknown parents” dahil sa ilalim naman ng international law, sila ay itinuturing na mamamayan ng Pilipinas.

Dahil dito, lumalabas na ang pagiging tahimik ng 1935 Constitution sa citizenship ng mga foundling ay hindi umano dapat basahin sa paraang sila ay “excluded” o hindi kabilang sa mga itinuturing na mamamayan ng Pilipinas.

Ang pagkilala umano sa mga foundling na mamamayan ng Pilipinas sa ilalim ng Konstitusyon ay batay sa pangunahing prinsipyo ng hustisya para sa mga bata na inabandona ng mga magulang.

Dahil lumalabas na may dalawang interpretasyon sa 1935 Constitution, makatwiran lang na paboran ang mas mahalagang prinsipyo ng Saligang Batas, at ito ay hindi para ilagay sa alanganin ang mga foundling.

Naniniwala rin ang SET na wala silang naging grave abuse of discretion nang magpasya sila na valid ang naging reacquisition ni Poe sa kanyang natural born citizenship sa ilalim ng RA No. 9225 o Citizenship and Retention and Reacquisition Act of 2003. (Beth Camia)