Inakusahan ni Vice President Jejomar Binay si Liberal Party (LP) standard bearer Mar Roxas na may pinakamalaking ginastos sa political advertisements noong 2015 sa hanay ng mga kandidato sa pagkapangulo sa 2016 elections.

“Per Nielsen, Roxas is the biggest total spender, not VP,” pahayag ni Joey Salgado, media affairs officer ng Office of the Vice President (OVP).

“Total Roxas ads spending is P774 million,” ayon kay Salgado, tungkol sa halaga ng ginastos ng pambato ng administrasyon sa campaign drive nito sa telebisyon, radyo at pahayagan noong nakaraang taon.

Noong Martes, lumabas sa media report na si Binay ang nangunguna sa listahan ng top political ad spender na umabot sa P595.7 milyon, mula Enero hanggang Nobyembre 2015.

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

Ang ulat ay ibinase sa ulat ng Nielsen, isang media market research firm, na nakasaad din na pangatlo lamang si Roxas na gumastos ng P424.8 milyon sa political ads.

Subalit sa Nielsen political ads spending report na ipinadala ng OVP, umabot sa P675.1 milyon ang kabuuang ginastos ni Roxas sa kampanya sa media outlets.

Nakasaad din sa Nielsen report na nasa P695.5 milyon ang ginastos na political ads ni Binay mula Enero hanggang Disyembre 2015.

Subalit iginiit ng kampo ni Binay na ang karagdagang P99 milyon ay idinaan umano ng grupo ni Roxas sa P86 milyong halaga ng radio ads ng “Manuel A. Roxas School Alumni” at P13 milyon sa newspaper ads ng “Mar Roxas for President Movement.”

Kung susumahin, sinabi ng OVP spokesman, na aabot ang political ads spending ng LP candidate sa P774.1 milyon.

(Ellson A. Quismorio)