Lalong umiinit ang alitan nina Bureau of Immigration (BI) Commissioner Siegfred Mison at Associate Commissioner Gilbert Repizo dahil sa kontrobersiya sa pag-deport sa isang puganteng South Korean na pinaghahanap ng kanyang gobyerno dahil sa katiwalian.
Ito ay matapos bigyan ni Mison si Repizo ng 24 oras upang magpaliwanag sa deportasyon kay Lim Hujon sa Korea ilang oras makaraang dumating ito sa Ninoy Aquino International Airport mula Guangzhou, China noong Sabado.
Iginiit ni Mison na dapat sana’y inaresto si Lim upang sumailalim sa deportation proceedings ng BI Board of Commissioners, bago ipinatapon sa Korea tulad ng nakasaad sa Philippine Immigration Act.
Ipinaliwanag ni Repizo na ipina-deport na lang nila ang Korean dahil nasa BI blacklist ito, base sa report ng International Police (Interpol), at hiling din ng pulisya mula sa bansa nito.
Aniya, mayroon siyang awtorisasyon upang i-exclude at hindi payagan ang isang puganteng banyaga na makapasok sa Pilipinas, base sa direktiba ng Department of Justice (DoJ).
Nagsimula ang hidwaan ng dalawang mataas na opisyal ng BI noong 2014 sa pagkakaaresto at pagpapa-deport sa puganteng Chinese na si Wang Bo na nagresulta sa pagsasalin ng ilang responsibilidad ni Mison kay Repizo base sa kautusan ng DoJ.
Binigyan ni DoJ Secretary Alfredo Caguioa si Repizo ng eksklusibong kapangyarihan sa operasyon ng BI sa lahat ng paliparan at pantalan sa bansa, kabilang ang pagtatalaga ng mga tauhan ng ahensiya at paglalabas ng exclusion order.
(Jun Ramirez)