Nakatakdang bigyan ng parangal sina Kevin Racal ng Letran College at Roger Pogoy ng Far Eastern University (FEU) sa ipinakita nilang kabayanihan sa kanilang koponan sa finals ng kani-kanilang liga sa darating na UAAP-NCAA Press Corps at Smarts Sports Collegiate Basketball Awards na gaganapin sa Enero 26 sa Saisaki-Kamayan sa Greenhills, San Juan City.
Ang dalawa, na miyembro ng nagkampeong Knights at Tamaraws sa NCAA at UAAP, ayon sa pagkasunud-sunod, ay nakatakdang tumanggap ng parangal bilang Pivotal Player mula sa grupo ng mga mamamahayag na nakatalaga sa nabanggit na dalawang pangunahing collegiate leagues sa bansa.
Kapwa naghatid sina Racal at Pogoy sa finals upang matulungan ang kani-kanilang koponan para mawakasan ang tig-10 taong pagkauhaw sa kampeonato.
Kasalukuyang naglalaro sa koponan ng Alaska sa PBA, tinapos ni Racal ang kanyang collegiate career sa Letran sa average na 20puntos sa kanilang finals series ng napatalsik nilang kampeong San Beda noong Oktubre.
Sa nabanggit na serye ay umiskor si Racal ng 28puntos sa Game One bago nagtala ng 23puntos sa 85-82 overtime na panalo noong deciding Game Three para ibigay sa Knights ang kanilang ika-17 pangkalahatang titulo sa liga.
Si Pogoy naman ang isa sa nagpakita ng consistency para sa Tamaraws sa UAAP finals kung saan nakaharap nila at tinalo ang University of Santo Tomas (UST).
Tinapos ng graduating forward na nagposte ng average na 14.7puntos ang kanyang UAAP career sa pamamagitan ng ‘di malilimutang 3-pointer sa nalalabing 1:27 ng deciding Game Three ng finals series nila ng UST at inungusan nila ang huli, 61-60, para maangkin ang titulo.
Ang kanilang ika-20 pangkalahatan na nagpatatag ng kanilang estado bilang pinakamatagumpay na koponan sa liga.
Ang Pivotal Player award ay ipinagkakaloob sa mga manlalarong nagpakita ng matinding impact sa kanilang laban para sa koponan sa championship series.
Mahahanay na ngayon sina Racal at Pogoy sa mga nagwaging sina Garvo Lanete ng San Beda, Ryan Buenafe ng Ateneo, Dave Marcelo ng San Beda, Kirk Long ng Ateneo, Art dela Cruz ng San Beda, Alfred Aroga ng National Univeristy at Anthony Semerad ng San Beda.
Kasama nilang tatanggap ng parangal sa nasabing okasyon sina UAAP champion coach Nash Racela at dating NCAA champion coach Aldin Ayo na ngyao’y hedacoach na ng La Salle sa UAAP.
Bukod sa kanila, bibigyang parangal din ng UAAP-NCAA Press Corps ang iba pang top performer ng nakaraang collegiate season kabilang na ang mapipiling Smart Player of the Year at Collegiate Mythical Five.