Dismayado ang mga dating Olimpian na kabilang sa mga nagbigay ng pinakamakukulay na tagumpay sa lokal at internasyonal na torneo, sa kasaysayan ng sports sa bansa matapos malaman na hindi sila makakukuha ng benepisyo sa pagreretiro.

Napag-alaman sa mga Olympian na nagsilbi noong panahon ng pamosong “Project: Gintong Alay” na inalam nila ang kanilang prebilehiyo para sa makukuhang retirement benefits subalit lubhang ikinagulat nila na wala na silang makakamit base sa naging desisyon ng dating board ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

“Ang sabi nila noon ay uunahin lang muna nila ang mula sa taong 2001 hanggang sa ngayong taon,” sabi ng isang Olympian matapos makipag-usap sa Philippine Sports Commission (PSC). “ Hindi naman nila sinabi na desisyon pala ng PAGCOR Board na nakaupo noong 2001 ang pagbibigay sa benepisyo.”

“Mas nauna pang nakatanggap ng benepisyo ang mga mas bata at maaagang nagretiro sa pagseserbisyo sa bansa kumpara sa mga mas naunang nakapagbigay dangal at matatagal nagserbiyo para sa karangalan ng bansa,” sabi ng isa pang Olympian.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Gayunman, nakatakdang alamin ng grupo ang susunod na hakbangin ng PSC at sa katapat nitong PAGCOR hinggil sa nasabing benepisyo kung saan nakahanda itong umapela at magsumite ng sulat para malinawan ang usapin.

“Kakausapin muna namin ang iba pang atleta na nagwagi rin at nag-ambag hindi lamang ng mga medalya kundi pati ng kanilang buhay para sa bansa para malaman namin kung ano talaga ang situwasyon,” sabi ng isa pang dating atleta na ilang beses na nagwagi ng ginto sa Asian Games pati na sa Southeast Asian Games.

Una ng namahagi ng dapat na matanggap na benepisyo ang PSC mula sa pondo na dapat na ibigay sa ahensiya ng PAGCOR sa mga nagretirong pambansang atleta at coaches kasabay ng pagbibigay ng insentibo sa mga atleta na nagwagi ng medalya sa nakalipas na 28th SEA Games sa Singapore.

Matatandaan na matagal na panahon ng usapin ang dapat na matanggap ng PSC na kabuuang 5 porsiyento sa gross income ng PAGCOR subalit patuloy na walang kasagutan ang mataas na hukuman sa usapin. (ANGIE OREDO)