ANG ating daigdig ay halos unti-unti nang nilalagom ng malalagim na pangyayari. Laganap na kagutuman at kahirapan, kalamidad, pagbaha, pagguho ng lupa, lindol at kung anu-ano pang malalagim na pangyayari na kagagawan din naman ng mga tao. Nakakatakot at wala nang ibang paraan kundi ang magdasal. Kaya napapanahon ngayon ang balitang isang dakilang babae, isang babaeng ibinuhos ang kanyang panahon sa pagtulong sa kapwa, ang malapit nang maging SANTA.
Ito ay si Blessed Mother Teresa ng Calcuta. Ang buong Sangkatauhan, partikular na ang Pilipinas, ay nagdiriwang at nagbubunyi sa balitang ito. Isa itong magandang balita para sa mga Pilipino, ayon kay Malolos Bishop Jose Oliveros.
Sapagkat, aniya, dumating ito sa panahong ang Simbahan ay nagdiriwang ng extra ordinary Jubilee Year of Mercy.
“Si Mother Teresa ay buhay na larawan ng Diyos sapagkat inialay niya ang buo niyang buhay sa paglilingkod sa mahihirap at mga iniwanan ng mga mahal sa buhay.
Ipinagbunyi rin ni Cubao Bishop ang balita at sinasabing: “Ang daigdig ay nangangailangan ng isang huwarang nabuhay at naglingkod hindi para sa kanyang sarili kung hindi sa iba at sambahin ang Diyos”.
“Mahal ni Mother Teresa ang mga maralita at sana ay pagsumundan natin ang kanyang halimbawa,” sabi naman ni Baguio Bishop Carlito Cenzon.
“Si Blessed Mother Teresa ay napakalapit sa mga Filipino,” sabi naman ni Lipa Archbishop Ramon Arguilles. “Ginabayan ko siya nang bumisita siya sa bansa noong 1978. Mahal na mahal niya ang mahihirap. At marami pa sana siyang ihahabilin sa atin,” sabi pa ng Arsobispo. “Ginawa niyang halimbawa ang kanyang sarili sa paglilingkod na walang pag-iimbot na siyang kabaligtaran ng korapsiyon, pagsasamantala at katakawan ng opisyales sa ating bansa. Ito ay hindi lamang sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo.”
Sa madaling panahon nga ay magiging Santa na si Blessed Mother Teresa. Magkakaroon na naman ng tagapag-ugnay ang mga Pilipino sa Diyos. Meron nanamang dadasalan, daraingan at hihingan ng tulong. Ngunit ngayong magiging Santa na nga si Mother Teresa, sana ay maging seryoso tayo sa pagdalangin at paghingi ng awa sa kanya. Hindi pakunwari para itago lamang ang ating mga kasalanan. (ROD SALANDANAN)