Para tiyakin ang kaligtasan at kaayusan sa pista ng Mahal na Poong Nazareno sa Maynila sa Sabado, aabot sa 4,000 pulis at 1,500 traffic enforcer ang ipakakalat sa mga kritikal na lugar sa siyudad, at inaasahang aabot sa milyun-milyong deboto ang makikibahagi sa taunang prusisyon.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Manila Police District (MPD) Director Chief Supt. Rolando Nana na ang mga pulis ay ide-deploy sa ruta ng Traslacion ng Nazareno.
Ayon kay Nana, nagtalaga na rin siya ng ground commander at mga tauhan na ipakakalat sa paligid ng Quirino Grandstand, na roon idaraos ang pahalik sa Nazareno, bago ang Traslacion.
Layunin, aniya, nito na matiyak ang seguridad ng mga deboto, at mapanatili ang peace and order sa okasyon.
Sinabi naman ni Manila Mayor Joseph Estrada na prioridad nila ang peace and order sa Traslacion ng Nazareno upang matiyak na walang mapapahamak o masasaktan sa prusisyon.
Nakatakda ring magpalabas ng Executive Order ang alkalde para kanselahin ang klase sa mga paaralan sa lungsod sa Enero 9, para mabigyan ng pagkakataon ang mga guro at mga estudyante na makiisa sa pagdiriwang.
Magpapatupad din ng liquor ban si Estrada para sa nasabing okasyon.
Bukod sa PNP, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Emerson Carlos na magpapakalat din sila ng 1,680 personnel sa Traslacion.
Ang ilan sa mga ito ang mangangasiwa sa trapiko, habang ang iba naman ay in-charge sa emergency at medical response, sanitation at road clearing, command at control, traffic engineering at communications.
Tiniyak rin ni Carlos na kung kakailanganin ay maaari pa silang magdagdag ng mga tauhan. (MARY ANN SANTIAGO)