Asahan ng mga motorista at pasahero ang mas matinding traffic sa mga pangunahing lansangan sa Parañaque City, partikular sa bahagi ng Moonwalk at Merville Park Villages sa Sucat Road.

Pinaalalahanan ni Parañaque Mayor Edwin Olivarez ang publiko kaugnay sa “short-term inconvenience” na idudulot ng konstruksiyon ng C-5 Link Expressway na sisimulan sa Pebrero.

Nakakuha noong nakaraang buwan ng go signal ang Metro Pacific Tollways Corp., na isang sangay ng Metro Pacific Investments Corp., mula sa Toll Regulatory Board (TRB) para simulan ang paggawa sa unang bahagi ng nasabing road project.

Aabot sa P9 bilyon ang 7.6-kilometer expressway na magkokonekta sa Circumferential-5 (C-5) Road sa Taguig City hanggang sa Cavitex Coastal Expressway na inaasahang makukumpleto sa 2019.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Sa oras na matapos ang nasabing proyekto, mapaluluwag nito ang traffic sa Moonwalk, Merville Park, BF Homes at Multinational Village sa Parañaque City at magdudulot ng mas mabilis at ligtas na biyahe para sa motorista sa Makati, Las Piñas, Taguig at Cavite.

Pinayuhan ng alkalde ang mga motorista na iwasang dumaan sa mga apektadong lugar at gumamit ng alternatibong ruta kasabay ng pagtiyak nitong magdaragdag ng traffic enforcer na magmamando sa trapiko sa naturang lugar.

Nagdudulot na rin ng matinding traffic ang NAIA Elevated Expressway at Skyway Stage 3 sa ilang lugar sa Parañaque, Pasay at Manila, lalo na ang mga motorista patungong Ninoy Aquino International Airport (NAIA). (Bella Gamotea)