Hindi na pahihintulutan ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang mga opisyal at staff ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) na nakaistasyon sa ibang bansa na mag-overstay sa kanilang puwesto.

Base sa inilabas na Administrative Order No. 634, mahigpit na ipatutupad ang bagong patakaran para sa mga labor attaché, welfare officer at administrative staff tungkol sa kanilang tour of duty.

Ang mga labor attaché ay maaari lamang magsilbi sa ibang bansa ng tatlong taon, habang ang mga welfare officer at administrative staff ay mayroon lamang two-year term.

Sa isang pahayag, sinabi ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz na padadalhan ang mga empleyado ng POLO ng recall order isang taon bago ang pagtatapos ng kanilang termino sa ibang bansa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“We are now very strict with recall orders. POLO officers and staff shall schedule their departure from the Post and ensure they report to the Home Office on the date specified in their recall order,” nakasaad sa apat na pahinang administrative order ni Baldoz na sinimulang ipatupad noong Disyembre 14, 2015.

Aniya, obligado na ang mga POLO employee na magsumite ng kanilang terminal report dalawang linggo matapos ang kanilang tour of duty.

Ang mga babalik na empleyado ay maaari ring makapili mula sa hindi bababa sa tatlong tanggapan ng DoLE na nais nilang maitalaga 30 calendar days bago ang kanilang pagdating sa Pilipinas.

Maaari rin silang makapili sa mga ahensiya ng DoLE na may kinalaman sa overseas employment tulad ng Office of the Secretary, International Labor Affairs Bureau, National Reintegration Center for OFWs, Overseas Workers Welfare Administration, Philippine Overseas Employment Administration, at Technical Education and Skills Development Authority. (Samuel P. Medenilla)