Chaotic!

Ganito inilarawan ni dating Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillanges Jr. ang national at local elections sa Mayo 9.

Aniya, marami pa ring isyu ang hindi nareresolba, partikular ang mga kaso ng diskuwalipikasyon laban kina Sen. Grace Poe at Davao City Mayor Rodrigo Duterte, at kontrobersiya sa precinct count optical scan (PCOS) machine.

Sinabi ni Brillantes na dapat agad desisyunan ng Supreme Court ang mga disqualification case dahil magsisimula na ang campaign period sa Pebrero 9, 2016 para sa mga national candidate.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Bukod dito, dalawang mahistrado ng Korte Suprema ang magreretiro rin ngayong taon – sina Justice Arturo Brion at Associate Justice Martine Villarama Jr. (dahil sa kalusugan).

“Posibleng magkaroon ng scenario kung saan maaaring masuspinde ang halalan. Pero malayo ito sa no-elections,” ani Brillantes.

Una nang ibinasura ng Comelec en banc ang dalawang motion for reconsideration na inihain ni Sen. Grace Poe laban sa desisyon ng First at Second Division ng poll body na nagkansela sa kanyang certificate of candidacy (CoC) sa pagkapangulo.

Kasabay nito, tiniyak din ni Comelec Chairman Andres Bautista na mananatili ang pangalan ni Poe sa listahan ng mga presidential candidate hanggang maging “final and executory” ang kanilang desisyon.

“Wala akong nakikitang delay. Ang mga nangyari bago ngayon ay walang pagbabago sa listahan (ng mga kandidato) kaya wala itong epekto sa timetable,” paliwanag ni Comelec spokesman James Jimenez.

“Remember when we started loading the EMS (Election Management System) we left the name of Sen. Poe in so I guess precisely just in case this sort of thing happen. There is minimal effect in our preparations because the name is still there so we just continue (with our preparations),” dagdag ni Jimenez. (LESLIE ANN AQUINO)